Bentahan ng shares ng Malampaya gas field project, ipinasasapubliko
Ipinasasapubliko ni Senador Sherwin Gatchalian ang bentahan ng interes ng Shell Philippines Exploration BV sa Malampaya gas field project na nasa ilalim ng Udenna Corporation ng negosyanteng si Dennis Uy.
Sa harap ito ng pahayag ng Department of Energy na pinag-aaralan ng ahensya ang nasabing transaksyon na isinagawa noong Mayo at wala pang pinal na desisyon ang gobyerno kung aaprubahan ang bentahan.
Senador Gatchalian:
“Hindi ito ordinaryong asset ng gobyerno. Ano ang mga pamantayan sa pagsusuri sa bentahang ito? Kailangang maging malinaw ang lahat sa publiko”.
Pero ayon kay Gatchalian noong April 15, inaprubahan ng DOE ang pagbenta ng 45 porsyentong interest ng Chevron sa Malampaya project sa UC Malampaya Philippines na subsidiary rin ng Udenna Corporation.
Kailangan aniyang maging transparent ang pagbebenta ng interes ng Shell sa Malampaya hindi lang dahil sa hinahawakan nitong 45 porsyentong share ngunit dahil sa papel na ginagampanan nito bilang operator ng Malampaya.
Ang Malampaya gas project ay nagsusuplay ng kuryente sa isa sa bawat limang tahanan sa Luzon.
Iginiit ng Senador na kailangang may sapat na kakayahan ang papalit na operator na mangangasiwa sa pagpapatakbo ng Malampaya at matiyak na may sapat na kuryente na maisusuplay sa mga tahanan.
Meanne Corvera