Berjaya Makati hotel tuluyan nang ipinasara
Tuluyan nang ipinasara ng Makati city Government ang Berjaya Makati hotel.
Kasunod ito ng kontrobersyal na paglabas ng hotel ng tinaguriang poblacion girl na si Gwyneth Chua habang ito’y sumasailalim sa limang araw na quarantine.
Sa inisyung cease and desist order ng Makati, kasong paglabag sa safety at health protocols ang isinampa laban sa hotel bukod pa sa paglabag sa Section 4a ng Makati revised revenue code city ordinance no 2004-A-025.
Ayon kay Atty Michael Arthur Camina, city legal officer ng Makati, bibigyan ng isang araw ang hotel para maghanap ng maaring lipatan ng mga kasalukuyang naka quarantine sa kanilang hotel.
Wala na rin aniyang dahilan para mag operate pa ang hotel matapos suspindihin ng Department of tourism ang accreditation nito.
Mananatili ang closure order maliban na lamang kung babawiin ng DOT ang kautusan at bibigyan ng bagong accreditation bilang isang quarantine facility.
Nauna nang sinuspinde ng Department of tourism ang Accreditation ng Berjaya Makati Hotel bilang multiple-use hotel kung saan pinagbabayad sila ng multa.
Meanne Corvera