BFP nag-isyu ng direktiba para magsagawa ng inspeksyon sa mga establisyementong nasa loob ng Philippine Economic Zone
Nag-isyu na ng direktiba ang Bureau of Fire Protection o BFP na magsagawa ng inspeksyon sa mga establisyementong nasa loob ng Philippine Economic Zone o PEZA sa NCR.
Ito ay upang matukoy kung aling mga establisyimento ang sumusunod at hindi nakakasunod sa fire code.
Sa panayam ng Saganang Mamayan sinabi ni BFP NCR Director Senior Supt. Wilberto Rico Neil Kwan Tiu , na tanging sa NCR pa lamang sila magsasagawa ng pag-inspeksyon kung saan magsusumite ng committee report activity sa loob ng apatnaput limang araw ang PEZA at ang mga high rise establishment na na-inspeksyon.
“Napakaklaro po sa mandato ng batas na only the BFP ang authorize na mainvolve at mag-implement sa ating Fire Code of the Philippines . At yun pong sa PEZA Law andyan lamang sila to establish the operation ng kanilang fire fighting force , hindi naman po sinabing mag inspect sila ng building o saklawan ang mandato ng Bureau of Fire Protection”. -Tiu
Kasabay nito iginiit din ng BFP na sila rin ang may karapatang magsagawa ng mga fire investigation sa lahat ng uri ng sunog tulad ng nangyaring insidente sa Resorts World Manila.
Paliwanag pa ni Tiu, may kapangyarihang magpatupad ng Republic Act 9514 o ng Revised Fire Code of the Philippines sa mga economic zone ang BFP.
“Sa totoo po kami ang nag-iimbestiga at ang report parin po namin ang dapat bigyan ng authority at hindi po ang ibang report dahil ang bureau of fire protection sa lahat ng klase ng sunog hindi na kailangang maglagay ng batas kundi kailangan talagang tanggapin na mayroon po tayong fire code at ang bureau of fire protection ang may mandato na ito ay iimplement sa lahat ng establishment”. – Tiu
Ulat ni: Marinell Ochoa