BFP-NCR buong taon magsasagawa ng awareness campaign
Mahalaga ang pagiging responsable para maiwasan ang pagkakaroon ng sunog sa mga kabahayan at establisyimento.
Ito ang naging pahayag ni BFP-NCR Fire Director, SSupt. Wilberto Rico Neil Kwan Tui sa panayam ng Liwanagin Natin.
Ayon kay Tui ,ang hindi tamang electrical connection ang pangunahing pinagmumulan ng sunog at sunod dito ang hindi tamang paraan ng paggamit ng mga electrical appliances.
Kaya naman hindi lamang ngayong buwan magsasagawa ng awareness campaign ang BFP kundi buong taon para mabawasan ang bilang ng mga naitatalang sunog sa mga establisyimento at gusali.
Kakatulungin din nila ang mga Mayor para kausapin ang kanilang mga nasasakupan kung ano ang mga dapat gawin para maiwasan ang pagkakaroon ng sunog.
“Sa araw araw ng ating buhay kaakibat ang posibilidad na may mangyaring sunog mula sa pagluluto hanggang sa pagtulog hanggang sa paggamit ng kuryente pagsaksak ng charger ay nandyan talaga.. kung naging pabaya tayo at naging iresponsable sa paggamit ng mga kagamitan na to ay mataas ang posibilidad na magkaroon ng sunog”. –BFP-NCR Fire Director Tui