BI Commissioner Norman Tansingco papalitan sa puwesto, ayon kay Justice Secretary Remulla
Inirekomenda ni Justice Secretary Crispin Remulla kay Pangulong Bongbong Marcos, Jr., na palitan na sa posisyon si Bureau of Immigration Commissioner Norman Tansingco.
Ayon kay Department of Justice (DOJ) Secretary Crispin Remulla, “Papalitan siya, papalitan siya. If I Were him, I’d resign already. mag resign na lang siya.”
Kaugnay ito sa pagtakas sa bansa ng grupo nina dating Mayor Alice Guo, nang hindi ipinabatid ni Tansingco kay Remulla.
Sinabi ng kalihim na nag-usap na silang dalawa ni Pangulong Marcos at nagkasundo na patalsikin si Tansingco.
Ayon kay Remulla, maraming lapses si Tansingco sa trabaho nito bilang immigration commissioner, bukod pa sa pagkakapuslit sa bansa nina Guo.
Aniya, ” I am not satisfied. Marami kaming naging problema. Marami yan. Marami, marami. Issuances of working visas was very questionable. I called attention to it, wala siyang ginawa.”
Una nang inamin ni Remulla na hindi niya kinakausap si Tansingco.
Kaugnay nito, sinabi ng kalihim na hindi siya nasasapatan sa paliwanag ng mga tauhan ng NBI at BI na nakipagselfie kay Guo.
Aniya, kailangan na mapanagot ang mga nasabing tauhan dahil hindi tama ang nasabing selfie culture sa mga taong wanted.
Ani Remulla, “Kailangan may apology, malaking apology kailangan dyan saka kailangan may reprimand talaga hindi pwedeng ganyan lang kasi wanted yan. Ang mga wanted di sini-celebrate. Dapat dyan hinuli mo, hinuli mo tama na yan, selfie, selfie, palitan natin yang kultura na yan.”
Moira Encina-Cruz