BI magpapatupad ng one-strike policy sa mga tauhan na masasangkot sa korapsyon
Magpapatupad ng one-strike policy ang Bureau of Immigration sa kanilang mga tauhan na masasangkot sa korapsyon.
Ito ang binigyang diin ni BI Commissioner Jaime Morente kasunod ng pinaigting na anti corruption drive ng ahensya.
Ayon kay Morente inatasan na nya ang bagong tatag na Board of Discipline ng BI na imbistigahang mabuti ang mga reklamo at report kaugnay sa mga tiwaling tauhan ng BI.
Kung makitaan ng merito agad namang irerekumenda sa Department of Justice ang pagsasampa ng kasong administratibo laban sa kanila.
Sa rekord ng BI, mula noong 2016, nasa 131 personnel nila ang nasuspinde at nasibak dahil sa iba’t ibang paglabag.
Tiniyak ni Morente na hindi nila kinukunsinti ang korapsyon sa kanilang ahensya.
Sa ilalim ng one-strike policy, ang mga tiwaling personnel na mairereklamo at inimbistigahan ay agad aalisin sa pwesto.
Kasabay nito, sinabi ni Morente na napapanahon na magkaroon ng amyenda sa batas at mabigyang kapangyarihan ang BI na disiplinahin ang mga tauhan nito.
Sa ilalim kasi ng kasalukuyang immigration law, ang maaari lang nilang gawin ay magrekumenda sa DOJ ng disciplinary action sa kanilang mga tauhan.
Hinikayat naman ang publiko na ireport ang mga masusumpungang iligal na aktibidad ng mga tauhan ng BI sa numerong +632 86452400 o Facebook messenger na Facebook.com/officialbureauofimmigration and Facebook.comimmigration.helpline.ph.
Madz Moratillo