BI nilinaw na hindi pa puwedeng pumasok sa bansa ang mga dayuhang turista
Nilinaw ng Bureau of Immigration na hindi pa pinapayagang makapasok sa bansa ang mga dayuhang turista kahit galing pa ito sa green list countries.
Sa isang pahayag, sinabi ni Immigration Commissioner Jaime Morente na mga Filipino, balikbayan at kanilang asawa o anak na kasamang bibiyahe pauwi sa bansa at mga may valid at existing long term visas lamang mula sa green at yellow list countries ang pinapayagang makapasok sa Pilipinas.
Ginawa ni Morente ang paglilinaw kasunod na rin ng mga natatanggap na inquiry ng BI mula sa mga dayuhang turista na nais bumisita sa bansa.
Ang mga Pinoy naman mula sa red list countries ay maaaring makauwi sa bansa sa pamamagitan ng repatriation flights at bayanihan flights na inorganisa ng gobyerno o non-government agencies.
Batay sa inilabas na listahan ng Inter-Agency Task Force Against Covid 19, may 49 bansa ang nakabilang sa green list, habang nasa red list naman ang Romania at kabilang naman sa yellow list countries ang mga bansang hindi kasama sa red at green list.
Para sa returning Filipinos mula sa bansang nasa red list, kailangan nilang sumailalim sa 10 araw na isolation sa quarantine facility at 4 na araw na home quarantine.
Kailangan naman nilang sumailalim sa RT-PCR test pagsapit ng ika-pitong araw.
Para sa mga fully-vaccinated passengers mula sa yellow countries kailangan nilang sumailalim sa facility-based quarantine hangang sa lumabas ang kanilang negative RT-PCR test result na gagawin sa ika-limang araw.
Pero matapos ito, kailangan nilang sumailalim sa home quarantine hanggang sa ika-sampung araw.
Pero kung partially vaccinated pa lang o hindi pa nababakunahan kontra Covid-19, kailangan nyang sumailalim sa facility-based quarantine hanggang sa lumabas ang kanyang negative RT-PCR test result na gagawin sa ika-pitong araw.
Pero matapos ito, kailangan nilang sumailalim sa home quarantine ng isa pang linggo.
Para naman sa fully vaccinated na galing sa green list countries, kailangan na lang nilang magprisinta ng negative RT-PCR test result, 72 oras bago ang kanilang biyahe patungo sa bansa.
Kung hindi pa bakunado o partially vaccinated palang, kailangan nilang sumailalim sa facility-based quarantine hangang sa lumabas ang kanilang negative RT-PCR test result na gagawin sa ika-limang araw.
Madz Moratillo