Pagbabantay sa foreign sex offenders na nagtatangkang makapasok sa Pinas pinaigting ng BI
Dismayado si Immigration Commissioner Norman Tansingco sa patuloy pa ring pagtatangka ng ilang dayuhang sex offender na makapasok sa Pilipinas.
Ayon kay Tansingco, nito lang nakaraang linggo ay 4 na dayuhang sex offenders mula Estados Unidos ang naharang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at agad pinabalik sa kanilang pinanggalingang bansa.
Ang apat na ito ay nasa edad animnapu pataas.
Tiniyak ng BI ang pinaigting na pagbabantay sa mga paliparan para matiyak na hindi magiging hub ng sex tourism ang Pilipinas.
Nitong 2023 lang, nasa 171 dayuhang sex offenders ang naharang at inilagay sa blacklist ng BI. Ang isa rito ay nahatulan ng korte dahil sa sexual battery sa isang 21 anyos na babae sa Wisconsin, USA, ang isa naman ay makailang beses nahatulan dahil sa pang-aabuso sa mga menor de edad sa North Carolina ayon sa report.
Ang isa naman ay hinatulan ng sexual assault sa isang 23 anyos na babae matapos itong pasukin sa loob ng kanyang bahay at ang isa ay nahatulan ng 1st degree ng criminal sexual sa Michigan.
Una rito, inilunsad ng BI ang kanilang kampanya laban sa mga dayuhang sexual predator na tinawag nilang Project ShieldKids Campaign.
Sa ilalim nito, mas pinalawak ng ahensiya ang kanilang communication network para sa pag-aresto at imbestigasyon sa mga pedophile at sex traffickers.
Madelyn-Villar-Moratillo