Bicameral conference committee report ng panukalang batas na magpapaliban sa Baranggay at SK elections niratipikahan na ng Kamara
Niratipikahan na ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang Bicameral Conference Committee Report ng panukalang batas na magpapaliban sa Baranggay at Sangguniang Kabataan elections.
Sinabi ni House Speaker Martin Romualdez na ipadadala na kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Malakanyang para pirmahan ang panukalang batas na ginawa ng Mababang Kapulungan ng Kongreso at Senado na magpapaliban ng eleksiyon ng mga opisyal ng Barangay at Sangguniang Kabataan na gaganapin sana sa December 5 ngayong taon.
Ayon kay Romualdez ang house version ay nagtatakda ng Barangay at Sangguniang Kabataan election sa unang Lunes ng Disyembre ng 2023 samantalang ang senate version ay sa ikalawang Lunes ng Disyembre ng taong 2023.
Napagkasunduan sa Bicameral Conference Committe na sa huling Lunes ng Oktubre ng taong 2023 isasagawa ang Barangay at Sangguniang Kabataan elections at tuwing ikatlong taon isasagawa ang susunod na regular na halalang pambarangay at Sangguniang Kabataan.
Nakapaloob din sa probisyon ng panukalang batas na magpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections na lahat ng incumbent officials ay hold over hanggang maidaos ang eleksyon sa susunod na taon.
Vic Somintac