Big time drug lord na si Peter Go Lim inirekomendang kasuhan ng DOJ sa korte ng Conspiracy to Commit illegal drug trading
Kinasuhan na ng DOJ sa korte ang itinuturong big-time drug lord na si Peter Go Lim alyas Jaguar dahil sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act kaugnay sa distribusyon ng iligal na droga sa Visayas.
Ito ay matapos makitaan ng DOJ panel of prosecutors ng probable cause para sampahan si Lim dalawang counts ng kasong conspiracy to commit illegal drug trading na paglabag sa Section 26 (B) ng RA 9165.
Binigyang bigat ng panel ang pag-amin mismo ni Kerwin Espinosa sa pagdinig ng Senado na distributor siya ng iligal na droga sa Regions 7 at 8.
Gayundin ang pagtukoy ng testigo na si Marcelo Adorco kay Lim bilang isa sa mga supplier ni Kerwin ng iligal na droga.
Paliwanag pa ng DOJ, ang depensa ni Lim na hindi siya si Jaguar ay immaterial dahil positibo siyang tinukoy nina Espinosa at Adorco.
Ayon sa DOJ, sa ilalim ng RA 9165 ang conspiracy to commit illegal drug trading ay hiwalay na paglabag mula sa drug trading.
Sinabi ng panel na ang droga bilang corpus delicti ng drug trading ay hindi kinakailangan sa ilalim ng Section 26 (B) ng batas.
Ang kaso laban kay Peter Lim ay isinampa ng DOJ sa Makati City Regional Trial Court.
Una na ring kinasuhan ng DOJ ng parehong paglabag sa Makati RTC sina Kerwin Espinosa, Peter Co, Lovely Impal at Ruel Malindangan.
Ulat ni Moira Encina