Bilang ng araw-araw na nasasawi sa US dahil sa COVID-19, mas mababa na sa isang libo
WASHINGTON, United States (AFP) — Sa unang pagkakataon sa loob ng halos tatlo at kalahating buwan, nakapagtala ang Estados Unidos ng mas mababa kaysa isang libong pagkamatay dahil sa COVID-19, nitong Lunes ayon sa Johns Hopkins University.
Sa loob ng 24 oras, 749 katao ang namatay dahil sa coronavirus, napakalayo kumpara sa 4,473 na naitala noong January 12.
Ang bilang ng namamatay araw-araw sa US, ay hindi na bumaba sa isang libo mula noong November 29, kung saan 822 katao ang nasawi sa loob lamang ng 24-oras.
Ipinapahiwatig nito na ang paghina ng epidemya ay nagpapatuloy sa Estados Unidos, kung saan bumilis ang pagkalat ng virus sa panahon ng mga holiday, gaya ng Thanksgiving at iba pang year-end holidays.
Ang paghina ay mabuting balita para kay US President Joe Biden, na ang napakalaking $ 1.9 trilyong aid plan ay matagumpay na naipasa sa Senado noong Sabado, at magpapalakas sa kaniyang malawakang estratehiya sa pagbabakuna.
Ang kampanya sa bakuna sa Estados Unidos na inilunsad noong Disyembre ay puspusan na, kung saan halos 10 porsyento ng populasyon ng Amerika o nasa 31.5 milyong katao, ang nabigyan na ng alinman sa dalawang shots ng Pfizer o Moderna vaccine, o isang shot ng bakuna ng Johnson & Johnson.
Nakaragdag pa sa pag-asa nang ihayag ng mga awtoridad pangkalusugan, na ang mga taong nabakunahan na ay pwedeng magtipon sa maliliit na grupo sa loob ng bahay nang hindi na kailangang magsuot ng mask o ipatupad ang social distancing.
Gayunman, kailangan pa rin nilang gawin ang nabanggit na precautionary measures, sa presensya ng mga hindi pa nababakunahan at mga pampublikong lugar.
© Agence France-Presse