Bilang ng fully vaccinated sa bansa, inaasahang mas tataas ngayong Hunyo
Kumpiyansa ang Department of Health na ngayong Hunyo ay mas tataas pa ang bilang ng mga fully vaccinated kontra Covid-19 sa bansa.
Ito ay ang mga nakatanggap na kapwa ng una at pangalawang dose ng bakuna.
Sa datos ng DOH, hanggang nitong Mayo 30 ay may mahigit 1.2 milyong indibiwal sa bansa ang fully vaccinated na.
Pero kung ikukumpara ito sa halos 4 na milyon na nakatanggap ng unang dose ng bakuna ay malayo pa ang bilang na 1.2 milyong fully vaccinated.
Paliwanag rito ni Health Usec Ma Rosario Vergeire, bawat brand ng bakuna ay magkakaiba ang interval ng pagtuturok.
Gaya nalang aniya ng Sinovac na may 28 days interval lamang at Astrazeneca na may 12 linggo namang interval.
Ang Sinovac ang unang brand ng bakuna na ginamit sa vaccination program ng gobyerno, sumunod naman ang Astrazeneca.
Ayon kay Vergeire ngayong Hunyo inaasahang papasok na sa bilang ang mga matuturukan ng 2nd dose ng bakuna ng Astrazeneca.
Binigyang diin naman ng kalihim na mahalagang sundin ang interval sa pagturok ng bakuna para maabot ang full potential nito.
Madz Moratillo