Bilang ng kaso ng COVID-19 sa Biñan City, Laguna, muling tumaas ngayong Holiday season
Muling dumami ang bilang ng aktibong kaso ng COVID-19 sa Biñan City, Laguna ngayong Holiday season.
Sa datos ng Biñan City Epidemiology and Surveillance Unit, mula sa pinakamababang naitalang aktibong kaso sa Biñan noong December 7 na 14 ay umakyat ito sa 39 noong December 27.
Ang nasabing bilang ang pinakamataas na active case ngayong Disyembre.
Ang pinakahuling bagong kumpirmadong kaso ay mula sa Brgy. Loma na 23 anyos na lalaki.
Umabot naman sa 1,910 ang bilang ng mga nakarekober na COVID patients sa Biñan.
Hinimok naman ng mga otoridad ang publiko na sundin ang “APAT Dapat” reminders o Air Circulation, Physical Distancing, Always wear your mask and shield properly, at Thirty minutes or less mula sa Healthcare Professionals Against COVID-19 para maiwasan ang pagkalat ng virus at pagtaas ng bilang ng mga nagkakasakit ngayong holiday season.
Moira Encina