Bilang ng kukuha ng Bar Exams sa Nobyembre, halos 9,000
Halos 9,000 Law graduates ang kukuha ng Bar Examinations sa Nobyembre na magsisimula na sa darating na Linggo.
Ayon kay Deputy Clerk of Court at Bar Confidant Ma. Cristina Layusa, kabuuang 8,701 na nagtapos ng abogasya ang pinayagang kumuha ng Bar Exams.
Ito na ang pinakamadaming bilang ng mga Bar examinees.
Isasagawa ang 2018 Bar Exams sa apat na Linggo ng Nobyembre o sa November 4, 11, 18 at 25 sa UST sa Maynila.
Si SC Justice Mariano del Castillo ang 2018 Bar Examinations Committee Chairperson.
Kaugnay nito, naglatag ang Korte Suprema ng contingency plan sakaling makaranas ng malakas na pag-ulan at mga pagbaha sa mga araw ng Bar exams.
Sinabi ni Cayusa na mayroong 10 bus ang Korte Suprema na idideploy sa ilang mga pick-up point para maghatid sa mga examinees at Bar exams personnel sa UST sa umaga ng mga araw ng pagsusulit.
Ang mga bus ay idedeploy ng alas-kwatro y medya ng umaga at aalis ng ala-singko ng umaga sa Quezon City Memorial Circle malapit sa Philippine Coconut Authority; Park and Ride sa Lawton, Manila; Supreme Court New Building Compound sa Taft Avenue; Greenbelt at Glorietta sa Ayala Center sa Makati; at Marikina Sports Complex.
Mayroon ding commuter vans ang Supreme Court sa UST sakaling may pagbaha sa loob nito sa mga araw ng Bar exams para ihatid ang mga examinees at duty personnel mula sa UST gates patungo sa kani-kanilang building.
Kung pagkatapos ng pagsusulit ay may pagbaha pa rin sa UST ay available din ang mga SC commuter vans sa bawat building para ihatid ang mga Bar examinees at personnel sa Osmeña at Arellano Drives malapit sa Gate 5 sa España kung saan naman naka-park ang mga SC shuttle buses.
Ang mga SC shuttle buses naman ang maghahatid sa mga ito sa mga drop-off areas.
Ulat ni Moira Encina