Bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Bulacan mahigit 18,000 na

Patuloy ang paglobo sa bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Bulacan.

Batay sa huling tala ng Provincial Epidemiology and Disease Surveillance Unit (PEDSU), hanggang nitong Huwebes, April 1, 2021 ay nasa 18, 449 na ang kabuuang bilang ng confirmed cases, kung saan 3,440 ay aktibong kaso kabilang na ang napaulat na bagong kaso.

Nasa 229 naman ang bagong naitalang gumaling kayat sa kabuuan ay nasa 14, 491 na ang nakarekober sa sakit.

Kamakailan ay naglabas ng Memorandum ang pamahalaang panlalawigan hinggil sa pagpapalakas ng temporary treatment and monitoring facilities, maging ang contact tracing sa bawat lungsod, bayan at barangay.

Batay sa memorandum, kailangang isa-ayos ang mga pasilidad at kailangan din na may nakatalagang security personnel 24/7 na mangangasiwa rito. Kailangan din na mas mababa ng sampung porsyento ang naka-home quarantine at 10 araw ang isolation gaya ng itinakda ng IATF.

Hinimok din ng provincial government ang publiko na gumamit ng StaySafe.PH application para mas mapabilis ang pagkuha ng impormasyon tungkol sa contact tracing ng mga kinauukulan.

Binigyan din ng karapatang magpasya ang mga LGU sa Bulacan na magdeklara ng granural local zoning containment ang mga barangay o sitio na may mataas na kaso ng COVID-19, para maiwasan ang local transmission.

Sa kabilang dako ay mahigpit namang naipatutupad ang curfew hours sa buong Bulacan. Kaakibat nito ang ginagawang pagroronda ng mga kinauukulan o barangay security personnel sa bawat barrio na kanilang nasasakupan.

Sinabi ni barangay chief officer Roderick Lumague ng Barangay Bintog, Plaridel na dapat pangunahan ng mga magulang ang pagsunod sa minimum health stabdard, gaya ng pagsusuot ng facemask at face shield maging ang physical distancing, upang makaiwas aniya sa virus ang bawat pamilya.

Ulat ni Jimbo Tejano

Please follow and like us: