Bilang ng mga babaeng dinadapuan ng Cervical cancer, tumataas…Cervical Cancer Awareness, ginugunita ngayong buwan
Taun taon, mahigit sa 200,000 mga babae sa buong mundo ang namamatay sanhi ng Cervical cancer.
Sa paggunita ng Cervical cancer awareness ngayong Mayo, lalo pang palalakasin ng Department of Health o DOH ang kampanya upang mabawasan ang bilang ng mga babaeng namamatay sanhi ng naturang sakit.
Ayon sa World bank, ang Pilipinas ay kabilang umano sa mga bansa sa buong daigdig na nasa kategorya ng low at middle income, at ang mga bansang kabilang dito ang may pinakamaraming kaso ng Cervical Cancer.
Binigyang diin ng DOH na mahalagang malaman ng mga kababaihan ang mga sintomas ng Cervical cancer.
Kabilang dito ay ang abnormal na pagdurugo ng maselang bahagi ng katawan, nakararanas ng kirot habang nagtatalik, pananakit ng balakang, abnormal na vaginal discharge, at nakararanas ng pananakit ng maselang bahagi habang umiihi.
Payo ng DOH, kung alinman sa mga nabanggit ang nararanasan, kumunsulta agad sa duktor upang maagapan ang paglala nito.
Ulat ni Belle Surara