Bilang ng mga Filipino na nakakaramdam ng gutom, bumaba sa first quarter ng 2018- SWS
Mas kumonti ang mga Filipinong nakaranas ng involuntary hunger o pagkagutom ng kahit isang beses sa unang bahagi ng taon, kumpara sa huling quarter ng 2017.
Batay sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS), lumitaw na 9.9 percent o 2.3 million Filipino families ang nakaranas ng involuntary hunger ng kahit isang beses mula Enero hanggang Marso.
Kung pagbabatayan ang datos ng SWS , mas mababa ito ng anim na porsyento sa 15.9 percent o 3.6 Filipino families na naitala noong 4th quarter ng 2017.
Ang 9.9 percent na datos ay nabuo sa pinagsamang bilang ng nakaranas ng moderate hunger o minsanang pagkagutom na pumalo sa 8.6 percent at nakaranas ng severe hunger o lubha at madalas na pagkagutom sa 1.3 percent.
Ito na rin ang ikalawang beses na naitala ang single digit sa bilang ng nagugutom na pamilyang Filipino simula March 2004.
Ang hunger rate sa lahat ng rehiyon sa Metro Manila, Luzon, Visayas at Mindanao ay bumaba.
Pinakamababa ang hunger rate sa Metro Manila sa 6 percent mula sa 14.7 percent noong December 2017.
=============