Bilang ng mga Healthcare worker na nasawi dahil sa Covid-19, tumaas
Sa kabila ng nagsisimula na ang pagbabakuna kontra covid 19 sa bansa, naragdagan pa ang bilang ng mga Healthcare worker na nasawi dahil sa Covid-19.
Ilang linggo ring walang naitalang mga nasawing Health worker dahil sa virus.
Sa datos ng Department of Health (DOH), nitong nakaraang linggo ay may dalawang Medical frontliner ang naiulat na nasawi.
Dahil rito, umakyat na sa 84 ang bilang ng mga Healthcare worker na nasawi dahil sa virus infection.
Ayon sa DOH, mayorya sa mga nasawing Health worker ay sa hanay ng mga doktor na sinundan ng mga nurse.
Patuloy rin namang tumataas ang bilang ng mga Health worker na tinatamaan ng Covid-19.
Sa ngayon, umabot na sa 16,484 ang bilang ng mga Healthcare worker na nagpositibo sa virus.
Pero sa bilang na ito, 874 na lamang ang aktibong kaso.
Sa nasabing bilang, 650 ang mild, 195 ang asymptomatic, 13 ang severe, 8 ang kritikal, at may 8 ring nasa moderate condition.
May 15,526 Health worker naman ang nakarekober mula sa Covid- 19.
Madz Moratillo