Bilang ng mga healthcare worker na tinatamaan ng Covid-19, tumataas rin
Kasabay ng pagtaas ng mga kaso ng Covid-19 na naitala nitong mga nakalipas na araw, tumaas rin ang bilang ng mga healthcare worker na tinatamaan ng virus.
Sa datos ng Department of Health, umakyat sa 418 ang bilang ng aktibong kaso ng Covid-19 sa hanay ng mga health worker.
Ang 263 rito ay mild, 108 ang asymptomatic, 14 ang nasa moderate condition, 24 ang severe at 9 ang kritikal.
Umabot naman na sa 23,006 ang kabuuang bilang ng mga medical frontliner na tinamaan ng Covid 19.
Pinakamarami sa kanila ay mga nurse, sinundan ng mga doktor at nursing assistant.
Umaabot naman na sa 22,485 ang bilang ng mga nakarekober.
Sa datos ng DOH, nadagdagan rin ang bilang ng nasawi sa hanay ng mga health worker na ngayon ay nasa 103 na.
Madz Moratillo