Bilang ng mga lumabag sa ECQ protocol sa NCR, naitala sa higit 40,000 indibidwal

Nasa higit 40,000 indibidwal sa Metro Manila ang naitalang lumabag sa safety protocol simula nang isailalim sa Enhanced Community Quarantine ang rehiyon noong August 6.

Batay sa datos ng Joint Task Force Covid Shield, sinabi ni Philippine National Police Chief General Guillermo Eleazar na sa peryodong August 6 hanggang 12, nakapagtala sila ng kabuuang 40,314 violators mula sa 34 quarantine control points sa Metro Manila.

Katumbas aniya ito ng nasa higit 5,000 violators kada araw.

Maliban pa aniya ito sa naitatalang violators mula naman sa mga quarantine checkpoints sa mga katabing probinsiya ng NCR.

Ang ilan sa mga nahuhuli ay pinagmumulta habang ang iba ay binabalaan.

Samantala, umaabot din sa higit 300 kada araw ang naitatalang non-Authorized Person Outside Residence (APOR) violator sa NCR.

Dahild ito, muling nagpaalala ang PNP Chief sa publiko na sumunod sa mga ipinaiiral na safety protocol dahil obligasyon ng lahat na ingatan ang sarili laban sa panganib na dala ng Covid-19 variants.

Please follow and like us: