Bilang ng mga nababakunahan kontra COVID-19 sa labas ng NCR, mababa pa rin – DOH
Umabot na sa mahigit 8.6 milyong indibidwal o 88.13% ng target mabakunahan kontra COVID 19 sa -ational Capital Region ang fully vaccinated na.
Batay sa datos ng Department of Health hanggang nitong November 2, nasa 9.7 milyong indibidwal o 99.42% naman ang partially vaccinated na.
Pero kung sa NCR ay malapit ng maabot ang 70% herd immunity, sa iba pang nalalabing rehiyon sa bansa ay wala pang umaabot sa 50% ang kanilang fully vaccinated.
Ang CALABARZON na may pinakamataas na populasyon, nasa 35.66% pa lang ang fully vaccinated.
Sumunod naman sa NCR sa pinakamaraming naturukan na ng 2 dose ng bakuna sa Cordillera Administrative Region, kung saan 39.37% ng target population na ang nabakunahan.
Sa Region 11 ay nasa 37.10% na rin ang fully vaccinated, sa Region 3 ay 33.09%, 32% naman sa Region 10; 29.25% sa Region 7; 28.10% sa Region 6; 27.77% sa Caraga; 25.98% sa Region 2; 24.75% sa Region 1; 23.77% sa Region 8; 23.57% sa Region 9; 21.22% sa MIMAROPA; 20.20% sa Region 12; 19.89% naman sa Region 5.
Pinakamababa naman ang vaccination turnout sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) kung saan 9.8% pa lang ang fully vaccinated habang 12.78% pa lang ang natuturukan ng unang dose ng Covid-19 vaccine.
Ayon kay National Vaccination Operations Center Chairperson Usec. Myrna Cabotaje, bukod sa problema sa vaccine hesitancy, ang iba aniya sa BARMM ay mahirap pabalikin para sa 2nd dose ng bakuna.
Sa kabuuan ng bansa ay nasa 35.97% na ng target population ang fully vaccinated na kontra COVID-19 habang 47.02% naman ang naturukan na ng unang dose ng bakuna.
Madz Moratillo