Bilang ng mga sumusukong NPA sa Northern Mindanao, patuloy na nadaragdagan…mga food items mula sa extortion activities, narekober sa Bukidnon
Patuloy na nadaragdagan ang bilang ng mga sumusukong New People’s Army o NPA member sa Northern Mindanao partikular sa lalawigan ng Bukidnon.
Bukod sa mga sumusukong NPA members, nakarekober din ang kapulisan at military ng mga nakaw na bigas at iba pang food items mula sa komunistang grupo.
Sa panayam ng Radyo Agila kay Supt. Kurkie Sereñas ng PNP Region 10, sinabi nitong may nag-tip sa kanila na may mga iniwang bigas, asukal, at asin at mga munggo ang NPA sa isang sitio sa Bukidnon na una nilang inakala na mga armas.
Ang mga ito aniya ay pawang nagmula sa mga extortion activities ng komunistang grupo.
Samantala, mahigit naman sa isandaan ang bilang ng mga nagsisukong NPA.
Resulta aniya ito ng mga itinalagang checkpoint at mahigpit na seguridad na ipinatutupad ng military at pulis kasunod ng pagsasailalim sa Martial Law ng buong Mindanao at magandang programa ng gobyerno para sa mga NPA surrenderees.
“Yung programa po ng ating pamahalan kung saan binibigyan ng pagkakataon ang mga surrenderees na magsimula ng kanilang normal na pamumuhay ang isa sa dahilan kung bakit dumarami ang bilang ng mga sumusuko. Bukod dito, isa ring dahilan ang pagiging magandang pamamalakad ng kasalukuyang pamahalaan, ankikita nilang gumugulong na ang hustisya sa justice system ng bansa kaya sumusuko na ang mga kapatid nating NPA”.