Bilang ng motorcycle taxi hindi lilimitahan ng Philippine Competition Commission
Walang balak ang Philippine Competition Commission (PCC) na magtakda ng cap o limitasyon sa bilang ng mga motorsiklo na papayagang maging motorcycle taxi.
Ito ang tiniyak ng PPC sa ginagawang pagdinig ng Senado sa mga panukalang gawin nang legal ang motorcycle taxi sa bansa dahil sa kakulangan ng mga public utility vehicle (PUV).
Sinabi ni PCC Executive Director Kenneth Tanate, makakatulong kung dadagdagan ang players para sa kapanakanan ng mga pasahero.
Sa kasalukuyan bumibiyahe na sa mga lansangan sa Metro Manila bilang motorcycle for hire ang Angkas, Joyride at Move It habang plano ng Department of Transportation (DOTr) na isama ang Grab.
Pero 45,000 mga motorsiklo lang ang pinapayagang bumiyahe sa mga lansangan.
Sinabi rin ni Senador Grace Poe, chairman ng Senate Committee on Public Services na hindi dapat magtakda ng limitasyon kung papayagan ang iba pang kumpanya tulad ng ginagawa ng Grab sa Thailand at iba pang bansa para sa mas malayang kumpetisyon.
Nauna nang sinabi ng Grab sa Senado na kung tuluyang aaprubahan at luluwagan ang motorcylce taxi, magkakaroon ng mas maraming opsyon ang pasahero habang mas magiging mabilis ang paraan ng transportasyon.
Meanne Corvera