Bilang ng namamatay nadaragdagan habang patuloy ang buhos ng ulan sa central Europe

Bohumin, Czech Republic, September 15, 2024. Agencja Wyborcza.pl/Dominik Gajda via REUTERS

Umakyat na sa walo ang bilang ng namatay dahil sa mga pagbaha sa central Europe, habang libu-libo katao naman ang inilikas mula sa kanilang tahanan sa Czech Republic kasunod ng ilang araw nang malakas na mga pag-ulan na nagbunsod ng pag-apaw ng mga ilog sa ilang bahagi ng rehiyon.

Isang low-pressure system na pinangalanang Boris ang nagdulot ng pagbuhos ng ulan mula Austria hanggang Romania, na humantong sa ilan sa pinakamatinding pagbaha sa loob ng halos tatlong dekada sa mga lugar na naapektuhan nang husto sa Czech Republic at Poland.

Higit pang mga pag-ulan at malakas na hangin ang inaasahan hanggang ngayong Lunes, kahit na ang ulan ay humina na nitong Linggo sa Romania, na una nang nagdala ng matinding pagbaha.

Libu-libong bahay ang nasira nitong weekend, natangay ang mga tulay at hindi bababa sa 250,000 mga bahay, pangunahin sa Czech Republic ang naapektuhan ng pagkawala ng suplay ng kuryente.

Isa ang nalunod sa southwestern Poland nitong Linggo, isang bumbero na kasama sa rescue efforts ang namatay sa Austria at dalawa pa ang namatay naman sa Romania, bunsod ng mga pagbaha na una na ring ikinamatay ng apat katao noong Sabado.

Ang Lower Austria, ang lalawigan na nakapaligid sa Vienna kung saan namatay ang bumbero ayon sa government officials, ay idineklara ng mga awtoridad na isang disaster zone area at nagbabala na huwag munang bumiyahe doon kung hindi naman mahalaga.

Ayon naman sa Polish weather institute, isang tulay ang gumuho sa makasaysayang Polish town ng Glucholazy malapit sa Czech border, kaya ipinag-utos ng mga lokal na opisyal ang paglikas.

Iniulat din ng local media ang pagguho ng isa pang tulay sa mountain town ng Stronie Slaskie, kung saan isang dam ang sumabog.

Sinabi ni Polish Prime Minister Donald Tusk, na bumisita sa kalapit na mga lugar na binaha, na mag-aanunsiyo ang gobyerno ng isang state of disaster at hihingi ng tulong sa European Union (EU).

Sa kalapit na Czech Republic, sinabi ng pulisya na hinahanap nila ang tatlong tao na nakasakay sa isang kotse na bumulusok sa ilog Staric noong Sabado malapit sa Lipova-lazne, isang nayon mga 235 km (146 milya) silangan ng kabisera na Prague.

Ang pag-ulan sa lugar ay umabot na sa humigit-kumulang 500 mm (19.7 pulgada) mula pa noong Miyerkules.

Sa footage ng Reuters ay makikita ang tubig-baha na rumaragasa sa Lipova-lazne at kalapit na Jesenik, na sumira ng ilang bahay at tumangay ng mga debris.

Sinabi ni Mirek Burianek, isang residente ng Jesenik, “We don’t know what will be next. The internet network isn’t working, telephones don’t work. We are waiting for who will show up (to help).”

Kuwento naman ng Lipova-lazne resident na si Pavel Bily, “The floods were even worse than those seen in 1997. My house is under water, and I don’t know if I will even return to it.”

Inaasahan ng mga residente sa ilang mga lugar na binaha, na lalala pa ang kondisyon.

Ayon kay Ferdinand Gampl, isang 84-anyos na residente ng Visnova village, 138 km (86 miles) hilaga ng Prague, “When it rains (in the nearby mountains), it will arrive here in five or six hours.”

Gumamit na ng emergency services ng helicopter upang ilikas ang mga taong na-stranded sa Lipova-lazne district. Sa kabuuan, mahigit sa 10,000 ang inilikas ayon sa pinuno ng fire service.

Sa Hungarian capital na Budapest, itinaas ng mga opisyal ang forecasts para sa Danube river na tataas ito sa second half ng linggong ito sa mahigit 8.5 metres (27.9 feet), o halos malapit na sa naitalang record na 8.91 metres (29.2 feet) noong 2013.

Samantala, nang magsimula nang humina ang pag-ulan sa Romania, sinikap na ng mga manggagawa na maibalik ang suplay ng kuryente sa may 11,000 tahanan at nagsimula na rin ang clean-up efforts.

Sabi ni Victoria Salceanu ng eastern village ng Slobozia Conachi, “Everything I have is destroyed.”

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *