Bilang ng namatay sa Meningococcemia, apat na,pero DOH nanindigang wala pa ring outbreak ng sakit
Lima na ang kumpirmadong kaso ng Meningcoccemia sa Region 4-A kung saan apat na rito ang patay.
Sa records ng DOH sa Calabarzon, ang apat ay kinabibilangan ng tatlong bata na namatay mula September 22 hanggang October 4 habang noong Biyernes ay namatay na rin ang isa pang apat na buwang gulang na bata sa bayan ng Lian.
Patuloy namang ginagamot sa San Lazaro hospital ang isa pang 46 na taong gulang na lalake mula naman sa Laguna.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque, may apat pang naitalang kaso pero sinusuri pa ng RITM ang ipinadalang sample ng mga ospital kung saan sila ginagamot.
Tuloy aniya ang ginagawang contact tracing sa mga nakasalamuha ng mga namatay sa Meningococcemia.
Paglilinaw ng kalihim isolated cases ito at hindi pa maaring magdeklara ng outbreak.
Pinayuhan naman ng DOH ang publiko na huwag mag-panic at umiwas muna sa matataong mga lugar.
Bagamat hindi aniya airborne ang Meningococcemia, nakakahawa ito kapag nakipaghalikan, nahawakan o nabahingan ng sinumang carrier ng virus.
Ugaliin din aniya ang regular na paghuhugas ng kamay para makaiwas sa anumang nakahahawang sakit.
Ulat ni Meanne Corvera