Bilang ng namatay sa twin bombing sa Jolo, Sulu, nasa 27 na
Umakyat na sa 27 ang bilang ng namatay sa nagyaring twin bombing sa loob at labas ng Carmel Cathedral sa Jolo, Sulu kaninang umaga (January 27, 2019).
Batay sa tala ng Police Regional Office-Autonomous Region in Muslim Mindanao (PRO-ARMM) bandang 1:10 ng hapon, nasa 27 na katao ang patay habang 77 naman ang sugatan sa pagsabog.
Ayon sa PRO-ARMM, sa bilang ng mganamatay, pito rito ay mula sa hanay ng Armed Forces of the Philippines (AFP), isa sa Philippine Coast Guard (PCG) at 19 naman ang sibilyan.
Sa mga naitalang sugatan naman, 14 katao ang mula sa AFP, dalawa sa Philippine National Police (PNP), dalawa sa PCG at 59 na sibilyan.
Ang 7 na iba pang sugatan ay agad itinakbo sa Zamboanga City sa pamamagitan ng helicopter dahil sa malubhang sugat ang tinamo.
Samantala , mariing kinondena ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde ang naturang pambobomba.
Kaugnay nito , ipinag-utos na rin ni General Albayalde ang malalimang imbestigasyon sa nangyaring twin bombing na may isang minuto lamang ang pagitan sa bawat isa.
Ulat ni Ely Dumaboc