Bilang ng passenger arrivals sa bansa, bumaba ng 72 percent
Bumaba ng 72% ang bilang ng mga pasaherong dumating sa bansa ngayong taon.
Sinabi ni Bureau of Immigration (BI) chief Jaime Morente, na 893,886 travelers lamang ang dumating sa bansa mula Enero hanggang Setyembre, mas mababa kumpara sa 3.2 million arrivals na naitala sa kaparehong peryodo noong 2020.
Ayon kay Morente, malayong malayo ito sa 12.6 million arrivals sa 3rd quarter bago mag-pandemic.
May naitalang 2.8 million arrivals sa pagsisimila ng 2020 bago nagsara ng borders ang Pilipinas dahil sa pandemya.
Sinabi pa ni Morente na ang average arrivals kada buwan simula noong Enero, ay 90,000 hanggang 100,000 sanhi ng ipinatutupad na kada araw na limitasyon sa passenger arrivals at travel restrictions.
Samantala, bumaba rin ang bilang ng mga pasaherong lumabas ng bansa sa kaparehong peryodo sa 68%, o katumbas ng 1.1 million mula sa 3.6 million noong 2020.
Ayon kay Morente, ang bulto ng mga nasabing biyahero ay overseas Filipino workers at mga dayuhang pabalik na sa kani-kanilang bansa.