Bilang ng PDLs na inirekomenda ng DOJ para magawaran ng executive clemency, mahigit 1,000 na
Umaabot na sa mahigit 1,000 preso ang inirekomenda ng Department of Justice (DOJ) para magawaran ng executive clemency ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sinabi ni DOJ Spokersperson Atty. Mico Clavano na simula Setyembre 2022 ay nagsusumite na sila ng pangalan ng mga inmate para mabigyan ng clemency.
Ang mga nasabing bilanggo aniya ay dumaan sa mga proseso ng Parole and Probation Administration (PPA) at Board of Pardons and Parole (BPP).
Nag-follow up na aniya ang DOJ sa tanggapan ni Executive Secretary Lucas Bersamin ukol sa mga rekomendasyon.
Pero sa ngayon aniya ay hindi pa batid ng DOJ kung kailan aaprubahan ng Palasyo ang clemency.
Ayon kay Clavano, napadali ang mga requirement at pagproseso sa mga dokumento ng mga inirekomendang persons deprived of liberty (PDLs).
Ito ay dahil na rin sa pahayag ni Pangulong Marcos na pabilisin ang pagpapalaya sa mga preso na kuwalipikado sa parole.
Binanggit ng opisyal na ang ilan sa mga mahihigpit o stringent na requirements ay inalis na para ito ay mapabilis.
Moira Encina