Bilang ng PDLs na irirekomenda para magawaran ng clemency, posibleng umabot sa 600 sa Disyembre
Maaaring umabot sa 600 persons deprived of liberty (PDLs) ang mairekomenda ng Department of Justice (DOJ) para bigyan ng executive clemency ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., bago matapos ang taon.
Sinabi ni Justice Secretary Crispin Remulla na makikipag-dayalogo siya kay Executive Secretary Lucas Bersamin sa unang linggo ng Disyembre ukol sa mga rekomendasyon para sa clemency.
Samantala, inihayag ni Remulla na plano nila na pagdating ng 2028 ay mawala na ang New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa City.
Sa halip ito ay mapalitan ng regional prisons upang mas mapalapit ang pamilya ng mga preso at madalaw ang mga ito.
Ang problema aniya ngayon ng pagkakaroon ng central at mega prison gaya ng NBP ay hindi makadalaw ang pamilya ng mga inmate mula sa mga malalayong lugar.
Sinabi ni Remulla na hangad niya na maging world-class at huwag mapagiwanan ng ibang mga bansa ang correction systems ng Pilipinas.
Moira Encina