Bilang ng senior citizens sa PH, tumaas; populasyon ng mga bata, kumonti –POPCOM
Dumoble ang bilang ng senior citizens habang bumaba naman ang bilang ng mga bata sa bansa sa nakalipas na 20 taon.
Ayon sa Commission on Population and Development (POPCOM), ang “population pyramid” ng bansa ay lumiliit sa baba na binubuo ng mga bata edad o hanggang 4 years old at lumalaki naman sa itaas o ang mga senior citizen.
Binanggit ng POPCOM ang datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) na ang mga Pinoy na may edad 60 anyos pataas ay umabot sa 9.2 milyon noong 2020 na bumubuo sa 8.5% ng populasyon.
Ito ay mula sa 5. 9% ng national population o 4.5 milyong senior citizens noong 2000.
Kabaligtaran naman ito sa mga batang Pilipino na bumaba ang bilang sa mga nagdaang taon.
Mula sa 12.6% noong 2000, ang mga Pinoy na bata na limang taong gulang pababa noong 2020 ay 10.2% na lang.
Maging ang kabataang Pinoy na edad 15 years old pababa ay kumaunti kung saan mula sa 37% ng populasyon noong 2000 ay 30.7% na lang noong 2020.
Ayon sa POPCOM, ang nasabing datos ay nagpapakita ng pagiging epektibo ng family planning program ng gobyerno.
Naniniwala ang POPCOM na posibleng mas bumaba pa sa 2021 ang bilang ng mga batang ipinapanganak sa bansa.
Iniulat din ng POPCOM ang patuloy na pagtaas ng working-age population sa bansa na 15- 64 years old at ang women of reproductive age o edad 15- 49 years old.
Sinabi ng POPCOM na ang nasabing statistics ay magandang oportunidad para mapunan o madagdagan ng mga Pinay ang potensiyal na bilang ng working citizens ng bansa.
Moira Encina