Bilang protesta sa Covid ban, hairdressers sa Latvia, naggugupit sa gitna ng lamig
RIGA, Latvia (AFP) – Hindi pangkaraniwang hakbang ang ginawa ng hairdressers sa Latvia, bilang protesta sa COVID-19 restrictions. Isinagawa nila ang paggugupit sa “snowy forests o frozen lakes.”
Sa isang panayam ay sinabi ng hairdresser na si Diana Silina, habang inihahanda ang kaniyang kagamitan sa icy surface ng isang lawa sa labas ng Riga, kapitolyo ng Latvia para gupitan ang isang customer, na hindi naman sila makapagtatrabaho kung hindi sila gagawa ng paraan.
Ang hairdressing at spa salons sa Latvia, ay noon pang December 21 nakasara, at ang outside contacts ay limitado lamang sa dalawang katao. Ibig sabihin ay paisa-isang kliyente lamang ang maaaring serbisyuhan ng mga hairdresser.
Ayon pa kay Silina, hindi nya alam kung legal ang kanilang ginagawa ngunit kailangan nilang subukan, para magkaroon naman ng kita.
Isa namang supporter ng naturang inisyatiba, si Riga city councillor Ieva Brante, ang nag-post ng video habang siya ay nagpapa-ayos ng buhok sa gitna ng isang kagubatan kung saan walang police patrols.
Sa kaniyang post sa facebook ay sinabi ni Brante, na bilang isang abogado ay sinusuportahan niya ang mga tao na humahanap ng legal na paraan sa gitna ng umiiral na mga regulasyon, kung ito ang magiging daan para sila ay kumita at mabuhay.
Ayon sa hairdresser ni Brante na si Zane Melnace, tinawag niyang “outdoor training” ang ginagawa niyang paggugupit para makaiwas sa umiiral na panuntunan.
Sinabi ni Melnace . . . “I want to work! Officially! And now! Not in three weeks, two months or maybe another half a year! I can’t wait any longer, because the monthly payments for the apartment and the loan have to be made now.”
Matapos ang kaniyang post sa facebook ay sinabi ni Brante na siya ay kinontak ng mga pulis, ngunit hindi naman pinagbayad ng multa.
Samantala, sa isang government meeting ay nagpahiwatig na rin si Health Minister Daniels Pavluts ng pagsuporta sa naturang inisyatiba, sa pagsasabing ok lang na magpagupit sa kagubatan.
Subalit dalawang professional associations na kumakatawan sa mga beautician at hairdresser, ang nagbabantang sampahan ng demanda ang gobyerno sa Constitutional Court, kapag hindi pa rin sila pinayagang makapagbukas o muling makapagtrabaho kahit sa ibang paraan.
Ayon sa mga lider ng asosasyon na sina Sabine Ulberte at Renate Reinsone, ang desisyon na i-ban ang kanilang mga serbisyo ay ipinatupadnang hindi sila kinonsulta at walang estadistika na nagpapakitang ang paggugupit ay magiging sanhi ng pagkalat ng COVID-19.
Ang banta ay ginawa kasunod ng katulad ding demandang isinampa ng Book Publishers Association, na naging daan sa muling pagbubukas ng bookshops sa Latvia sa mga unang bahagi ng linggong ito, matapos na walang makitang pruweba na nag-uugnay sa pagpunta ng mga tao sa bookshops sa COVID-19 infections.
Nakatakda namang magsagawa ng special session ang Parliamento tungkol sa isyu, matapos makakolekta ng 10-libong mga lagda para sa petisyon na pahintulutan na ang hairdressers at iba pang beauty professionals na muling magbukas at makapagtrabaho.
© Agence France-Presse