Bilangan ng boto sa US, bakit matagal?
Tatlong araw matapos ang halalan, wala pa rin ang pinal na resulta ng presidential elections sa Estados Unidos, bagamat ang Democrat na si Joe Biden ay nakalalamang na.
Ang paghihintay ay nagdulot na ng tensyon sa magkabilang panig ng bansa, kung saan inakusahan pa ni US President Donald Trump ang Democrats nang pandaraya kahit wala namang ebidensya.
Ngunit ang pagkaantala ay malawak nang inaasahan, madalas ay sa kadahilanang tukoy para sa mga indibidwal na estado, kung saan sa ilalim ng US system, ang bawat isa ay nagsasagawa ng sarili nilang botohan.
Paliwanag ng kalihim ng estado ng Pennsylvania na si Kathy Boockvar, mas mahigpit ang labanan, mas matagal bago makuha ang resulta.
Mayroon ding magkakaibang deadline ang mga estado ng pagtanggap ng absentee ballots, laluna yaong mga galing sa militar o iba pang mga mamamayan na naninirahan sa ibang bansa.
Nagiging sanhi rin ng delays ang provisional ballots, na iniisyu sa mga botante kung may kalituhan tungkol sa kanilang registration at kailangan nang verification.
Dahil sa mga concern tungkol sa COVID-19 pandemic, ang mga estadong nasanay na sa limitadong bilang ng absentee votes, ay binaha ng mga balotang ipinadala by mail ng mga mamamayan na ayaw bumoto ng personal.
Sa naitalang 160 milyong amerikano na bumoto ngayong taon, may 65.2 million sa kanila ang bumoto by mail batay na rin sa pagtaya ng US Elections Project.
Sinamantala naman ng kampo ni Trump ang delay, para magdemand na itigil ang bilangan sa mga estado kung saan nakalalamang si Biden, partikular sa Pennsylvania kung saan lumapit sa US Supreme Court ang Republican Party ni Trump.
Sa karamihan ng mga estado, ang magkalabang partido ay kapwa pinayagang magbantay sa bilangan, subalit kumain ng oras ang mga bumangong pagtutol sa mga panuntunan, partikular ang pagkwestyon ng mga taga suporta ni Trump sa panuntunan ng Philadelphia na ang distansya ng mga watchers ay hindi dapat bababa sa 15 talampakan o 4.5 metro bunsod na rin ng panganib ng COVID-19.
© Agence France-Presse