Bilibid inmates magkakaroon ng tablets o cellphones
Bibigyan ng Bureau of Corrections (BuCor) ang inmates ng New Bilibid Prison (NBP) ng tablets o cellphones.
Sinabi ni BuCor OIC Gregorio Catapang Jr., na ito ay bahagi ng ipinapatupad na modernisasyon at technology-driven security system sa NBP.
Ipinaliwanag ni Ret. Col. Lindsey Rex Sagge, CEO at President ng Safer PH Innovations na magkakaroon ng sariling broadband network at cellsite ang BuCor.
Aniya iisyuhan ng cellphones o tablets ang mga inmate na may sariling simcard na iba sa telecommunication companies para sa security purposes.
Ayon pa kay Sagge, hindi naman dini-deprive ang mga preso para magkaroon ng komunikasyon sa kanilang pamilya at mahal sa buhay.
Pero nilinaw ni Sagge na controlled ang paggamit sa communication gadgets ng inmates.
Pangunahing layon aniya nito ay maiwasan ang paggamit ng mobile phones para sa mga kriminal na aktibidad.
Magagamit din ang otorisadong mobile phones at tablets para sa edukasyon at paglilibang ng mga bilanggo.
Lalagyan ang mga gadget ng educational module, games, at movies.
Nilinaw pa ng dating sundalo na may targeted at lawful monitoring ng paggamit ng cellphones na kasama sa multi-layer prison security system na ipinapatupad sa NBP.
Magkakaroon din ng selective jamming ng signal kapag may na-detect na iligal na cellphones sa piitan.
Ayon naman kay Catapang, hiraman muna sa cellphones sa ngayon ang Bilibid inmates hanggang sa mapadami ang mga maaaring mapagamit sa mga ito.
Samantala, magkakaroon din ng cellphones ang prison guards para sa centralized reporting system, marksmanship training at magsisilbi na ring body camera.
Moira Encina