Bilibid inmates na naka-isolate dahil sa COVID, 14 na lang
Nabawasan pa ang bilang ng inmates ng New Bilibid Prisons (NBP) na nasa isolation ward matapos magka-COVID-19.
Ito ay makaraang ma-discharge o makalabas na ng isolation ang 47 Persons Deprived of Liberty (PDLs) na una nang nagpositibo sa Covid.
Ayon sa daily medical report na isinumite kay Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Catapang Jr., sa 14 PDLs na nananatili pa sa isolation ward ay walo ang may mild na sintomas habang ang anim ay asymptomatic.
Isa sa mga nasabing inmates ay senior citizen.
Sinabi ng BuCor na nagpapatuloy ang contact tracing sa kawanihan para maiwasan ang pagkalat pa ng virus.
Iniulat din ng BuCor na negatibo sa virus ang lahat ng PDLs mula sa Maximum Security Compound at Medium Security Compound na sumailalim sa antigen test.
Gayunman, may dalawang BuCor personnel mula sa MedSeCom ang nagpositibo sa Covid.
May isa ring incoming duty personnel ng Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City ang nagpositibo sa sakit.
Moira Encina