Bills para sa pagpapahaba ng validity o bisa ng Driver’s license at Pasaporte nasa opisina na ni Pangulong Duterte
Lagda na lamang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kulang sa dalawang panukalang batas na magpapahaba sa validity o bisa ng driver’s license at pasaporte.
Sa ngayon ay nasa tanggapan na ni Pangulong Duterte ang dalawang mahahalagang panukalang batas matapos maipasa sa Kongreso.
Kasama sa nasa Office of the President ang Senate Bill 1365 na inakda ni Sen. Richard Gordon na nag-aamyenda sa Republic Act 8239 na mula sa kasalukuyang bisang limang taon, magiging 10 taon na ang validity ng passport..
Kinumpirma din ni Senior Deputy Executive Secretary Menardo Guevarra na nasa tanggapan na ni Pangulong Duterte ang Senate Bill 1449 na inakda ni Sen. Grace Poe.
Aamiyendahan nito ang isang probisyon ng Republic Act 4136 o ang Land Transportation and Traffic Code at mula sa kasalukuyang tatlong taon, gagawin ng limang taon ang bisa ng driver’s license.
Ayon kay Guevarra, inirekomenda na nila sa Pangulo na kailangan itong malagdaan.
Nakasaad sa Saligang Batas na kahit hindi lagdaan ng Pangulo ang isang enrolled Bill, magiging ganap pa rin itong batas makalipas ang 30 araw mula ng pagkakatanggap basta walang gagawing pag-veto.