Biñan city Local Government, ituturo ng libre sa mga apektadong lugar sa Batangas ang paggawa ng Eco-bricks na yari sa ashfall
Matapos ang halos dalawang taong paggawa ng mga eco-bricks na yari mula sa ashfall, ituturo ng Biñan city local government sa Batangas ang paggawa ng Eco-bricks na tatawaging “Taal Eco-bricks”.
Ayon kay Biñan city Public Information Office head Roman Carnecia, nais nilang mai-divert sa isang kapaki-pakinabang na bagay ang mga abo na puminsala sa kanilang mga bahay at mga ikinabubuhay.
Sa sandaling magbalik na sa normal ay sila mismo ang pupunta sa Batangas upang linisin ang mga abo at ituro ang teknolohiyang kanilang ginagawa na sa Biñan sa loob ng dalawang taon na maaaring makatulong sa ikabubuhay ng mga naapektuhan ng pagputok ng Taal Volcano.
Paliwanag ni Carnecia, marami na silang nagawang mga Eco-Bricks mula sa ashfall na nagsisilbi na ngayong mga pathways at sidewalks sa mga Public schools sa Biñan at mas matibay aniya ito kung ikukumpara sa mga pangkaraniwang semento.
Nakatutulong pa aniya sila sa kalikasan dahil 30 porsyento ng ginagawa nilang Eco-bricks ay galing sa mga nakonsumong plastic na kanilang tinipon at giniling bago pa man bumara ito sa mga karagatan.
Sa loob aniya ng isang araw ay nakakapag-produce sila ng 5,000 piraso ng mga bricks.
Naisip aniya nila ang teknolohiyang ito upang isalba ang Laguna lake at Manila bay sa mga plastic wastes at ngayon naman ay para mapakinabangan ng Batangas na lubhang naapektuhan ng pagputok ng Bulkang Taal.
“Ang instruction ng aming mga namumuno ngayon, the moment na matapos na natin ang mga Public schools sidewalks at pathways, ilalapit na natin ang teknolohiyang ito sa mga apektadong lugar sa Batangas. Hindi namin ito pababayaran, hindi namin ito iko-commercial. Bukas ang aming lunsod para sa ibang bayan na gustong gamitin ang innovation technology na ito at mapakinabangan ng buong bansa”.