Binti mo ba’y masakit at nanghihina?
Sumasakit ba ang iyong binti kapitbahay, o nanghihina kaya?
Kung oo, tamang-tama itong kuwentuhan natin today .
Isang tagapakinig natin sa Kapitbahay ang nagtanong kung makatutulong ba ang pag-inom niya ng fortified milk sa panghihina ng kaniyang mga binti.
Para maging tiyak ang sagot natin, itinanong natin kay Doc Rylan Flores, isang Orthopedic Surgeon, ang bagay na ito .
Ang gatas ay okay sa ating kalusugan, at calcium ang binibigyang importansiya .
Madalas aniya nating naririnig na uminom ng gatas, hindi po ba?
Hindi lang para sa mga bata kahit sa elderly.
May full cream, non fat, low -fat, at skimmed milk, tama?
Ang pinakamasarap ay full cream, sabi ni Doc.
Kaya lang, medyo mataas ito sa cholesterol at triglyceride content at kapag nagkakaedad, puwedeng uminom ng low – fat, non fat o skimmed milk dahil wala naman sa fat ang calcium kundi nasa protina ng gatas.
Nagkakaiba, depende sa brand ng gatas.
May calcium content na naglalaro sa 250-350 mg.
Sa maghapon ang kailangan ay at least 500 mg.
Kaya nga ang fortified adult milk ay mas mababa ang fat level pero mas mataas ang calcium ng halos nasa 450-500 mg., parang uminom na ng isang kapsula ng calcium supplement .
Pero, sa totoo lang sabi ni Doc Rylan, may kamahalan na rin ito.
Kaya hanapin natin ang hindi gaanong mahal, puwede naman ang ibang brand ng gatas na inumin.
Pero tandaan na hindi lang gatas ang pinanggagalingan ng calcium.
Maraming pagkain lalo na ang green leafy vegetables at isda na maaaring pagkunan ng calcium .
Ngayon, kung kaya umiinom ng gatas ay dahil nanghihina ang binti o masakit ito, bagaman kailangan ang calcium sa panghihina ng buto, dapat din nating alamin bakit ba sumasakit o nanghihina ang binti?
Ang calcium ay binabangko lang ng buto.
Ang buto ang bangko ng calcium.
Ang talagang pinanggagamitan ng calcium ay iba’t ibang bahagi ng katawan.
Mula sa pagtibok ng puso, paghinga, ultimo sa ating pag-iisip, maging sa daloy ng dugo hanggang sa pagkilos ng muscles.
Lahat ito ay nagangailangan ng calcium.
Kaya kung maayos ang calcium level maaaring mawala na ang panghihina.
Ngunit, isa sa dapat tingnan kung bakit nanghihina ang binti o sumasakit ito ay dahil napapagod na nang sobra-sobra o baligtad kaya, halos walang kilos o galaw naman.
Kaya kapag sa palagay ninyo ay may katagalan na ninyo itong nararamdaman, makabubuting magpatingin na sa manggagamot.