BioNTech magtatayo ng manufacturing site sa Southeast Asia
FRANKFURT, Germany (AFP) – Magtatayo ng kanilang headquarters at manufacturing site ang BioNTech sa Singapore, para gumawa ng daan-daang milyong mRNA-based COVID-19 vaccines kada taon.
Ayon sa German company, ang konstruksiyon ay magsisimula ngayong taon, at maaaring maging operational sa 2023.
Sinabi ni BioNTech chief executive Ugur Sahin . . . “With this planned mRNA production facility, we will increase our overall network capacity and expand our ability to manufacture and deliver our mRNA vaccines and therapies to people around the world.”
Ang bakunang gawa ng BioNTech kasama ng Pfizer ng Estados Unidos, ang naging kauna-unahang COVID-19 vaccine na inaprubahan para gamitin sa America noong nakalipas na taon.
Sa ngayon ay higit 90 mga bansa na ang sinusuplayan nito sa buong mundo, at inaasahang bibilis pa ang kanilang produksyon ng hanggang tatlong bilyong doses sa pagtatapos ng 2021, mula sa 2.5 billion doses na una nang inasahan.
Ang Singapore production site ang magiging kauna-unahang mRNA manufacturing facility ng German company sa labas ng Europe, at tinatayang ang magiging kapasidad nito ay ilang daang milyong doses ng bakuna.
Ang Pfizer naman ay nago-operate ng production sites sa Estados Unidos at Belgium.
Sa pagnanais na mapataas pa ang gobal production capacities ng kanilang COVID-19 vaccine, ang BioNTech at Pfizer ay nagtakda ng licensing at manufacturing partnerships sa iba pang pharmaceutical companies gaya ng Merck, Novartis at Sanofi.
Paliwanag ng Pfizer at BioNTech, ang pagpapalawak sa kooperasyon ang siyang titiyak ng mas malawak na suplay ng bakuna, at hindi ng isang patent waiver na gaya ng hanap bg United States.
Sinasanay ng messenger RNA (mRNA) generic technology ang katawan para magparami ng spike proteins, na katulad ng makikita sa coronavirus.
Kalaunan, kapag na-expose sa tunay na virus ay makikilala na ng katawan ang spike proteins kayat magagawa na niya itong labanan.
Ito rin ang teknolohiyang gamit ng US pharmaceutical firm na Moderna, para sa kanilang bakuna.
@ agence france-presse