BIR Confidential funds, gagamitin sa paghabol sa tax evaders
Nanindigan ang Bureau of Internal Revenue (BIR) na kailangan nito ang confidential funds para sa paghabol sa tax evaders.
Kabuuang P10 million na confidential funds ang hiniling ng BIR para sa 2024 budget nito.
Sinabi ni BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr. na kinakailangan ang pondo para sa surveillance at imbestigasyon sa mga sindikato na nasa likod ng ghost receipts at iba pang iligal na kalakaran para makaiwas sa pagbabayad ng tamang buwis.
Paliwanag pa ng Komisyoner, ang ghost receipts o mga pekeng transaksiyon ay dekada nang gawain pero ngayon lang nahuli ng BIR.
Inihalimbawa pa ng mga opisyal ang mga operasyon nila laban sa illegal traders ng mga sigarilyo, vape, at iba pang mga produkto na pinaglalaanan ng confidential funds.
“Nag-iimbestiga rin tayo sa mabigat na mga sindikato na involved sa illicit trades…nakikita na natin kalakaran sindikato talaga ang involved dito at kung hindi natin bubuwagin ang mga sindikatong involve ay talagang patuloy ang pagbagsak ng koleksiyon dito sa excise tax” ani Lumagui.
Moira Encina