BIR, iniimbestigahan na ang mga nakakuha ng pondo ng gobyerno para sa pandemic supplies
Iniimbestigahan na ng Bureau of Internal Revenue ang ang apatnaputlimang suppliers at mga kumpanya na nakakuha ng 42 billion pesos na halaga ng kontrata para sa pandemic supply.
Ayon kay Senador Sonny Angara na Chairman ng Senate finance committee , batay ito sa memorandum na inisyu ni BIR Commissioner Cesar Dulay noong Setyembre hanggang ngayong Nobyembre.
Sinabi ito ni Angara sa kasagsagan ng pagtalakay ng Senado sa budget ng BIR kung saan ito ang nagdedepensa at present ang mga opisyal ng BIR .
Ang imbestigasyon aniya ayon kay Dulay ay kaugnay ng nadiskubre ng Senado na hindi nagbayad ng tamang buwis ang mga kumpanyang binilhan ng gobyerno ng pandemic supplies tulad ng PPE at facemasks sa pamamagitan ng procurement service ng Department of Budget and Management.
Sa memorandum inatasan ang labing isang regional directors at dalawampung revenue district officers na tingman ang posibleng paglabag ng mga supplier mula 2019 hanggang 2020.
Nauna nang kinuwestyon ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang hindi pagbabayad ng buwis ng mga kumpanya.
Buwis aniya ng taumbayan ang nagastos sa mga medical supplies kaya dapat malaman rin ng publiko kung magkano ang ibinayad na buwis ng mga kumpanyang nakakuha ng kontrata kabilang na ang Pharmally Pharmaeutical Corporation.
Sa computations ni Drilon,aabot sa 7.5 billion pesos sana ang makokolektang buwis ng gobyerno kung lahat ng kumpanya na nakakuha ng 42 billion contracts at nagbayad ng buwis.
Tutol si Drilon sa hakbang ng BIR na paimbestigahan ito sa regional offices at iginiit na dapat magsagawa ng special tax audit ang isang special task force.
Wala raw kasing mangyayari kapag ibinigay ito sa mga regional tax offices.
Meanne Corvera