Bird flu, sanhi ng pagkamatay ng maraming pelican sa Senegal
DAKAR, Senegal (Agence France-Presse) – Lumitaw sa scientific analysis, na bird flu ang ikinasawi ng hindi bababa sa 750 pelicans na natagpuang patay nitong nakalipas na linggo, sa Djoudj bird sanctuary sa Senegal.
Ang namatay na 740 batang lalaking pelican at 10 adults, ay nadiskubre sa Djoudj National Bird Sanctuary noong January 23.
Dahil dito, sinabi ng Environment Ministry na isinara muna sa publiko ang Sanctuary.
Ayon kay National Parks Director Bocar Thiam, ang bird flu type A H5N1 ang sanhi ng pagkamatay ng mga pelican. Kinumpirma naman ito ni Environment Minister Karim Sall.
Sa Djoudj Sanctuary matatagpuan ang higit tatlong milyong individual birds mula sa halos 400 species.
Noong una ay sinabi ni Thiam, na maaaring hindi bird flu ang ikinamatay ng mga nabanggit na ibon dahil ang apektado lamang aniya ng sakit ay mga ibon na ang kinakain ay mga butil at hindi ang mga ibon na kumakain ng isda gaya ng pelican.
Ayon pa kay Thiam, bagama’t sinira na ang katawan at dumi ng mga namatay na pelican, kailangan nilang gumawa ng iba pang mga hakbang upang maiwasan ang pagkalat ng nasabing sakit.
Sa pagsisimula ng 2021, higit sa 40,000 poultry ang pinatay sa Senegal matapos ma-detect ang outbreak ng bird flu sa Thies na nasa kanlurang bahagi ng bansa.
Ayon sa Livestock Ministry, halos 60,000 ibon pa ang namatay nang sumunod na mga linggo, kaya’t naniniwala ang mga awtoridad na nagkaroon na ng mga cluster.
Ang border ng Senegal ay isinara na sa poultry products mula nang magkaroon ng bird flu epidemic noong 2005 para maiwasan ang kontaminasyon, subalit nahirapan ang gobyerno na pigilan ang ilegal na importasyon mula sa mga kapitbahay nilang bansa.
May problema rin sa bird flu outbreaks ang ilan pang mga bansa sa Europa, kung saan dalawang milyong ibon na karamihan ay mga pato ang pinatay sa France noong Disyembre para mapigilan ang pagkalat nito.
Liza Flores