Biyahero mula sa Pilipinas, may UK COVID-19 variant ayon sa Hong Kong
Isang pasahero mula sa Pilipinas ang nagpositibo sa COVID-19 variant, na unang nadiskubre sa United Kingdom (UK).
Ayon kay Dr. Chuang Shuk-kwan, pinuno ng Communicable Disease Branch ng Center for Health Protection ng Hong Kong, ang 30-anyos na babae ay dumating sa Hong Kong galing Maynila noong December 22, lulan ng Philippine Airlines flight, PR 300.
Sinabi ni Health Undersecretary Rosario Vergeire, na humingi na ang Dept. Of Health sa gobyerno ng Hong Kong ng mga detalye hinggil dito.
Ayon sa DOH, hanggang noong January 2 ay walang na-detect ang Philippine Genome Center na UK variant ng COVID-19 sa bansa.
Dagdag pa ng ahensya, makaaasa ang publiko na ang nakikipag-ugnayan sila sa kinauukulang mga ahensya para matiyak na naipapatupad ang maghigpit na panuntunan sa lahat ng port of entry sa Pilipinas.
Nagpatupad na rin ang bansa ng isang temporary ban sa mga dayuhang biyahero mula sa 21 mga bansa, kung saan may napaulat na kaso ng UK variant ng COVID-19 na sinasabing 70% mas nakahahawa.
Sakop ng naturang ban na magkakabisa hanggang sa Enero a-15 ang sumusunod na mga bansa:
- Denmark
- Ireland
- Japan
- Australia
- Israel
- The Netherlands
- Hong Kong
- Switzerland
- France
- Germany
- Iceland
- Italy
- Lebanon
- Singapore
- Sweden
- South Korea
- South Africa
- Canada
- Spain
- United Kingdom
- United States
Liza Flores