Blackpink Lisa, mabuti ang lagay; iba pang miyembro ng grupo negatibo sa COVID-19
Nagnegatibo sa COVID-19 test sina Jennie, Jisoo, Rosé habang ang kapwa nila Blackpink member na si Lisa Manoban ay asymtomatic at nasa mabuting kalagayan.
Ito ang ipinahayag ng management agency ng K-pop group na YG, matapos nilang i-anunsyo na nagpositibo sa Covid si Lisa noong Miyerkoles.
Hindi pa nagbibigay ng pahayag sa kaniyang fans ang Thai megastar na si Manoban tungkol sa kaniyang kondisyon, ngunit sa isang tweet ng World Music Awards ay nakasaad na ang bandmates ng singer-rapper na sina Jisoo, Rosé ay hindi ibinibilang na close contact ni Lisa. Ang apat ay pawang bakunado na laban sa COVID-19.
Sa pahayag ng YG, ang security personnel, staff at nagkaroon ng close contact sa grupo ay pawang nag-negatibo rin.
Noong September 10, ay ni-release na ang debut solo album ni Lisa na “Lalisa.”
Ang debut single niyang “LALISA,” ay nagtakda ng isang record sa YouTube bilang “most viewed music video in 24 hours for a solo artist,” na may 73.6 million views at patuloy pang nadaragdagan.
Sa nakalipas na dalawang linggo, tumaas ang COVID-19 outbreaks sa South Korea, na umabot sa bagong record-high na higit sa 4,000 kaso hanggang nitong nakalipas na Martes.
Gayunman, nangangahulugan ito na mayroon lamang anim na daily cases sa bawat 100,000 sa populasyon, na napaulat na mas mababa pa rin kumpara sa iba pang mga lugar sa buong mundo, na masasabing dahil sa mahigpit na pagpapatupad ng pagsusuot ng face mask at limitadong pagbiyahe sa ibang bansa. (AFP)