Blue Ribbon Committee na nag-iimbestiga sa mga katiwalian sa gobyerno, magiging patas kahit kaalyado ng administrasyon
Nasubukan na ang pagiging independent ng mga Senador kahit pa kaalyado ng administrasyon.
Ito ang sagot ni Senador Francis Tolentino sa mga kwestyon kung paano inimbestigahan ng Senado ang mga posibleng kaso ng umanoy katiwalian at iba pang iregularidad sa administrasyon gayong mayorya sa kanila mapabilang sa majority block sa susunod na Kongreso.
Si Tolentino ang inaasahang mamumuno sa Senate Blue Ribbon Committee na nag-iimbestiga sa mga kaso ng graft and corruption sa mga ahensya ng gobyerno.
Pero giit ng Senador napatunayan niya na ang pagiging independent at hindi pagpabor sa administrasyon nang imbestigahan at isulong ang pagpapatigil ng E- sabong.
Sa isyu ng umano”y anomalya sa pagbili ng mga medical supplies sa kasagsagan ng pandemya, isinulong nya ang mga panukala para amyendahan ang batas sa procurement at nagsulong ng mga remedial legislation.
Hindi naman pabor si Tolentino na itratong mga kriminal ang mga testigo na ipinapatawag sa mga imbestigasyon at dapat pa ring igalang ang kanilang mga karapatan.
Nauna nang ipinakulong ng blue ribbon committee ang mga opisyal ng pharmally pharmaceutical corporation dahil sa pagtangging makipagtulungan sa imbestigasyon.
Sa ngayon wala pa aniyang nakasalang na agenda ang blue ribbon committee dahil magsisimula ang kanilang opisyal na trabaho sa ikatlong linggo pa ng Hulyo.
Pero kung may maghahain aniya ng resolusyon lalo na sa isyu na muling buksan ang umano’y anomalya sa pharmally aaksyunan ito ng kaniyang komite.
Meanne Corvera