BOC Officials, pinaiimbitahan ng Senado para magpaliwanag sa naudlot na pag-aangkat ng asukal
Pinaiimbitahan na rin sa Senado ang mga opisyal ng Bureau of Customs ( BOC ) para magpaliwanag sa naunsyaming importasyon ng asukal.
Ayon kay Senator Raffy Tulfo, dapat ipaliwanag ng mga taga customs kung bakit naipuslit ang libo-libong sako ng mga asukal batay sa kanilang mga isinagawang raid.
Kuwestiyon ng Senador, paano naipuslit ang mga asukal kung ginawa ng mga taga customs ang kanilang trabaho.
Kuwestiyon din ng Senador, bakit kasamang ni-raid ang warehouse na mayroon naman palang permit at may lehitimong operasyon.
Hinala ng Senador, nagri-raid ang Customs para mai-divert ang atensiyon ng publiko sa smuggling at hindi sa isyu kung sino ang nag-utos kay dating Agriculture Usec. Leocadio Sebastian para ipursige ang pag- iimport ang asukal.
Nauna nang iginiit ni Sebastian sa pagdinig ng Senado na walang nag-utos sa kaniya para aprubahan ang importasyon ng asukal at ibinatay ang desisyon sa mga datos hinggil sa nakaambang kakulangan ng suplay na maaring magdulot ng price increase.
Meanne Corvera