Boeing 777 na nagkaproblema sa engine, nag-emergency landing sa Moscow
MOSCOW, Russia (AFP) – Isang Boeing 777 airliner na nagkaroon ng engine problems, ang nag-emergency landing sa Moscow.
Ayon sa state-owned Rossiya airline, nagpasya ang crew na mag-emergency landing sa Moscow dahil sa “incorrect operation” ng engine control sensor sa cargo flight galing Hong Kong na patungo sa Madrid.
Kinumpirma ng online flight trackers na Boeing 777 nga ang gamit sa naturang flight.
Ayon sa airline, ang wala sa schedule na landing ay naisagawa naman nang walang nangyaring insidente at wala ring nasaktan.
Natuloy din ang byahe ng eroplano patungong Madrid, matapos maantala ng ilang oras.
Ang naturang insidente ay nangyari ilang araw matapos kumpirmahin ng Boeing na dose-dosenang 777 aircraft ang grounded sa buong mundo, na resulta ng pagkasunog ng engine ng isang eroplano ng United Airlines, kung saan kumalat pa ang debris nito sa isang suburb sa Denver, Colorado.
Hindi naman agad nalinawan kung ang Boeing 777 na nag-emergency landing sa Moscow, ay may kaparehong engine na gaya ng nasunog nitong nakalipas na linggo.
Ang engine failure ng United Flight ay isang panibagong dagok sa US aviation giant, na napilitang i-ground ang isa pang fleet ng kanilang Boeing 777 planes matapos ang serye ng mga pagbagsak na sanhi ng mga pagkamatay.
© Agence France-Presse