Bollywood star Aamir Khan, binatikos dahil sa kaugnayan sa China at Turkey
Muli na namang tumanggap ng kritisismo ang Muslim Bollywood star na si Aamir Khan dahil sa kaniyang “massive popularity” sa China at pakikipag-ugnayan sa Turkey.
Ang 55-anyos na si Khan ay isang brand Ambassador para sa Chinese smartphone maker vivo, at mayroon ding 1.16 followers sa twitter-like platform ng China na Weibo.
Sa artikulo sa isang magazine na siya rin ang cover kung saan tinawag siyang “The dragon’s favourite Khan,” ay binatikos din si Khan dahil naman sa kaniyang kaugnayan sa Turkey, at inakusahan ang aktor na nakikipag- kaibigan sa mga ikinu-konsiderang kaaway ng India.
Matatandaang lumala ang hidwaan sa pagitan ng India at China, kasunod ng madugong sagupaan sa pinag-aagawan nilang himalayan border nito lamang Hunyo.
Si Khan ay naging target ng mapanirang online campaign noong 2015, at puwersahang inalis sa ilang advertisement campaigns, matapos niyang ipahayag na nangangamba ang kaniyang asawa sa kaligtasan ng kanilang mga anak sa India.
Lalo pang nabatikos ang aktor, nang siya ay makipagkita kay Emine Erdogan, na asawa ni President Recep Tayyip Erdogan sa isang film shooting sa Turkey.
Si Erdogan ay sumusuporta sa Pakistan sa kanilang claim sa Kashmir, isang teritoryo na kapwa inaangkin ng India at Pakistan.
– Liza Flores