Bookkeeper ng isang rural bank sa Bayawan, Negros Oriental, hinatulang guilty ng paglabag sa banking law
Sinentensyahan ng mga korte ng parusang pagkakabilanggo ang dating bookkeeper ng Rural Bank of Bayawan sa Negros Oriental dahil sa paglabag sa General Banking Law of 2000 at Revised Penal Code.
Ang mga hatol laban kay Mary Grace M. Tito ay bunsod ng reklamo na inihain ng Bangko Sentral ng Pilipinas.
Ayon sa BSP, pinatawan ng Bayawan Regional Trial Court ng parusang pagkakakulong na anim na buwan para sa bawat 10 counts ng Engaging or Participating in Prohibited or Fraudulent Transactions na inamin ni Tito.
Samantala, sinentensyahan din si Tito ng Bayawan Municipal Trial Court in Cities ng pagkakakulong na hindi bababa sa apat na buwan hanggang dalawang taon at multa na Php 2,000 sa bawat 10 counts ng Falsification of Commercial/Public Documents matapos din na mag-plead ito ng guilty.
Nag-ugat ang mga kaso laban kay Tito dahil sa partisipasyon nito sa pagproseso, approval, at grant ng RB Bayawan sa 10 pekeng loans na nagkakahalaga ng mahigit Php1.7 million pesos.
Nadiskubre ng BSP ang fraudulent loans sa ginawang imbestigasyon nito sa loan transactions ng bangko matapos itong magsara.
Moira Encina