Booster shot drive thru vaccination sa Maynila ,aarangkada na
Simula bukas aarangkada na ang booster shot drive thru vaccination sa Maynila.
Pero sa pagkakataong ito, para naman sa mga 4 wheels na sasakyan na gagawin sa Quirino Grandstand.
Pero ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, 300 sasakyan lang ang kaya nilang ma-accommodate kada araw.
Ayon sa Alkalde bukas ito residente man o hindi sa lungsod, at lahat ng brand ng bakuna para sa booster ay available.
Paraan aniya ito ng lokal na pamahalaan ng Maynila para makatulong na mapataas pa ang vaccination coverage sa bansa.
Para naman sa mga tutol sa pagbabakuna kontra Covid-19, giit ni Mayor Isko, pwede basta huwag lang silang lalabas ng bahay.
Una rito, pasado na sa Maynila ang ordinansa na naglilimita sa paglabas ng bahay ng mga residente na hindi pa bakunadong residente.
Nakasaad rito na ang mga hindi pa bakunado dapat ay manatili lang sa loob ng bahay maliban nalang kung kailangang bumili ng essential goods o papasok sa trabaho o kailangang lumabas para sa medical o dental services.
Kung nais namang mag ehersisyo, papayagan sila basta sa loob lang ng Barangay o subdivision kung saan sila nakatira.
Hindi naman sila pwedeng pumasok sa mga mall, hotel, event venues, sports and country clubs, restaurants o kahit pa sa mga Al fresco dining, maging sa mga tanggapan ng gobyerno, parke, religious establishments at iba pa.
Bawal rin sila sa mga public transportation maliban kung para sa essential goods o services.
Para naman sa mga hindi pa bakunadong indibidwal na nagtatrabaho sa Maynila, dapat sumailalim sila sa RT PCR test kada 2 linggo pero habang hinihintay ang resulta ay pwede naman umano muna ang antigen test.
Ang mga lalabag sa ordinansa, papatawan ng 1 libong pisong multa sa unang paglabag, 2 libo sa ikalawang paglabag at 5 libong pisong multa o 1 buwang pagkabilanggo sa ikatlong paglabag.
Sinabi naman ng alkalde na kinasuhan na nila ang 4 sa mga nagrally sa Lawton kahapon na kumokontra sa vaccination.
Madz Moratillo