Boracay island, kailangang pagpahingahin ng kaunti-DENR
“Kailangan ng isla ng Boracay ng puwang para makapagpahinga ng kaunti”.
Ito ang inihayag ni Department of Environment and Natural Resources o DENR Spokesperson Undersecretary Jonas Leones.
Sa panayam ng programang Saganang Mamamayan, sinabi ni Leones na ang problema sa Boracay ay maraming mga gusali, turista at mga residente kaya kaakibat nito ay basura at waste water na nagdudulot ng polusyon.
Aniya, ginagawan naman ng solusyon ng DENR ang mga nasabing suliranin ngunit kailangan nilang makipag-ugnayan sa ibang mga sangkot na ahensya.
“Ito’y dapat petisyunan ng Inter-agency members like for exampple, the Department of Tourism, the DILG. Kasi sa amin, ang mandato namin sa DENR eh yung environment, yung mga how to address pollution. But then yung DOT, may sariling mandato rin na dapat nilang i-push like for example, yung tourist destination sa Pilipinas. So, pilit na isinasa-alang-alang din natin yung mga posisyon ng mga ibang ahensya”.
Ayon pa kay Leones, maaaring maglabas ng advisory ang DENR na iwan ang isla sakaling makita na mataas ang level ng coliform bacteria sa tubig.
Pagdating naman sa turistang pupunta, sinabi ng opisyal na ang Department of Tourism ang magdedesyon ukol dito dahil ang Local government ang nakakasakop sa pagbibigay ng business permit sa mga establisimyento.
Gayunpaman, kahit hindi hintayin ang Executive order ay mayroon nang direktiba mula sa Presidente na pangunahan ni DENR Secretary Roy Cimatu ang inisyatibo para masolusyunan ang mga paglabag at polusyon sa isla.
==============